๐๐๐๐๐๐๐ | Bilang bahagi ng tuluy-tuloy na pagsasanay sa mga magsasaka ng palay, isinagawa ang Training on Effective Microorganism Technology sa ilalim ng Palayamanan Plus Project noong Setyembre 24-25, 2026.
Ginanap ang aktibidad sa Bangued, Abra at sa Palayamanan Plus Project Site sa La Paz, Abra. Layunin ng dalawang araw na pagsasanay na palakasin ang kaalaman at praktikal na kasanayan ng 23 magsasakang benepisyaryo mula sa La Paz, Abra upang madagdagan pa ang kanilang produksyon at kita. Nakatuon ang pagsasanay sa tamang paggawa at paggamit ng Effective Microorganisms o EM.
Ang EM ay isang teknolohiyang pangkalikasan na naglalayong suportahan ang sustenableng pagpapalay at iba’t ibang sistema ng pagsasaka. Sa pamamagitan ng EM technology, natututunan ng mga magsasaka kung paano gawing kapaki-pakinabang ang mga farm wastes. Nakatutulong din ito sa pagpapabuti ng kalidad ng lupa at sa pagtataguyod ng mas matagal at napapanatiling produksyon ng mga pananim.
Sa ilalim ng Palayamanan Plus Project na nagsimula noong nakaraang taon sa Abra, ang mga magsasaka ay nabigyan ng mga production support, partikular na ang chicken layers para sa table egg production at binhi ng gulay, bilang karagdagang mapagkukuhanan ng pangkabuhayan maliban sa kanilang pagsasaka.
Ang proyekto ay isinasagawa ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR) sa pamamagitan ng Rice Program at katuwang ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Lokal na Pamahalaan ng Abra at La Paz, at mga farmer cooperatives and associations. // via RICE Program


















