Pinangunahan ng Department of Agriculture- Cordillera Administrative Region (DA-CAR) ang pagtanggap sa Philippine Military Academy (PMA) Class of 2027, na binubuo ng 244 na second class (2CL) cadets, sa kanilang educational tour noong Enero 14, 2026 sa Baguio Animal Breeding and Research Center (BABRC) sa Dontogan, Baguio City.
Ang aktibidad ay bahagi ng misyon ng academic group na magbigay sa mga kadete ng isang well-rounded collegiate education na mahalaga sa kanilang magiging papel bilang mga junior officer ng Armed Forces of the Philippines. Layunin din nitong iugnay ang mga aralin sa silid-aralan sa aktuwal na aplikasyon sa totoong buhay.
Sa isinagawang paglilibot, personal na nasaksihan ng mga kadete ang pagpapatupad ng iba’t ibang sistema ng pagsasaka at nagkaroon sila ng mas malalim na kaalaman sa pang-araw-araw na operasyon ng mga pasilidad sa ahensya. Binisita nila ang iba’t ibang production services ng BABRC na nakatuon sa parehong paghahayupan at pananim, kabilang ang Dairy Development Project, beekeeping area, mga pasilidad para sa pag-aalaga ng kuneho at tupa, at ang taniman ng kape. Natutunan din ng mga kadete ang proseso ng paggawa ng wood vinegar o mokusako at ang kahalagahan nito sa pagpapabuti ng kalusugan at produktibidad ng mga pananim.
Binigyang-diin ni 2CL Calvin P. Uy, Pangulo ng PMA “Mandaraig” Class of 2027, ang kahalagahan ng aktibidad para sa mga kadete. “Ang mga aral na aming natutunan dito ay maaari naming gamitin sa aming mga respective branches of service we are assigned in the AFP, kung saan magagamit ng mga lider ang kaalamang ito upang mapanatili at mapakinabangan nang husto ang mga available resources. Lubos po kaming nagpapasalamat sa Department of Agriculture sa pagbibigay sa amin ng pagkakataong matuto. The knowledge we learned ay magagamit namin pagkatapos ng aming pagtatapos at sa aming mga magiging tungkulin sa hinaharap,” pahayag niya.
Higit pa rito, binigyang-diin ng educational tour ang kahalagahan ng agrikultura at ang sustenableng pamamahala ng likas na yaman sa pambansang kaunlaran, na nagpapatibay sa pag-unawa ng mga kadete kung paano makatutulong ang mga programang pang-agrikultura sa parehong mga sibilyan at operasyong militar.
Ang grupo ay pinangunahan ni Colonel Ryan C Celino, kasama ang iba pang mga propesor ng PMA. Sila ay mainit na tinanggap nina Dr. Ofelia P. Ducayag, Officer-in-Charge ng BABRC, at G. Nicasio S. Baucas, Chief ng Research Division.//Leny D. Mendoza
DA-CAR Press Release No. 26-004































