Mahigit 200 magsasaka ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong pang-agrikultura na hatid ng Department of Agriculture–Cordillera (DA-CAR) sa isinagawang Agri-Serbisyo Caravan sa Wangwang Elementary School, Tinoc, Ifugao noong Hunyo 9, 2026.
Layunin ng Agri-Serbisyo Caravan na mailapit sa mga magsasaka at iba pang stakeholder sa mga liblib at malalayong lugar sa Cordillera ang mahahalagang programa at serbisyong pang-agrikultura ng kagawaran.
Sa isinagawang aktibidad, binigyang-diin ng DA-CAR ang kahalagahan ng pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ipinaliwanag kung paano ito nakatutulong upang maging kwalipikado ang mga magsasaka at mangingisda sa iba’t ibang programa, serbisyo, at interbensyon ng pamahalaan.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang RSBSA registration at updating, accreditation ng Civil Society Organizations (CSOs), impormasyon ukol sa Good Agricultural Practices (GAP) certification, crop insurance, agricultural loan services, pest and disease management, rabies vaccination, gayundin ang konsultasyon at iba pang serbisyong beterinaryo.
Naging matagumpay ang pagsasagawa ng aktibidad sa tulong at pakikipag-ugnayan ng pamunuan ng Barangay Wangwang sa pangunguna ni Punong Barangay Bonifacio Dumanop at ni Gng. Ruth Arlene Hagibat, School Head ng Wangwang Elementary School.//Leny D. Mendoza
DA-CAR Press Release No. 26-85